Indymedia

The Independent Media Center (a.k.a. Indymedia or IMC) is a global participatory network of journalists that report on political and social issues. It originated during the anti-WTO protests worldwide in 1999 and remains closely associated with the global justice movement, which criticizes neo-liberalism and its associated institutions. Indymedia uses an open publishing and democratic media process that allows anybody to contribute.

Read More

Overviewing Indymedia

The first Indymedia project was started in late November 1999 to report on protests against the WTO meeting that took place in Seattle, Washington, and to act as an alternative media source.[3][dead link] This followed a successful experiment in June that year, reporting the events of the Carnival Against Capitalism in London, UK. The Media team there used software and unmediated reports from protest participants.[4] The open publishing script was first developed by video activists in Sydney, Australia.

Read More

Welcome to Marinduque Indymedia

Local IMC collectives are expected to be open and inclusive of individuals from a variety of different local anti-capitalist points of view, whether or not these have any definite political philosophy, so that even those without internet access can participate in both content creation and in content consumption.

Read More

Indymedia Legal Battles

In July, 2001 at the 27th G8 summit in Genoa, Indymedia journalists were seriously assaulted at the Diaz school where Indymedia had set up a temporary journalism center and radio station. Twenty-nine Italian police officers were indicted for grievous bodily harm, planting evidence and wrongful arrest during a night-time raid on the Diaz School, and thirteen were convicted.

Read More

Mapping: Where the Hell is Marinduque

Marinduque (Filipino:Marinduke) is an island province of the Philippines located in the MIMAROPA region in Luzon. Its capital is Boac. Marinduque lies between Tayabas Bay to the north and Sibuyan Sea to the south. It is located south and west of Quezon, east of Mindoro, and north of Romblon.

Read More
END:CIV

Join The Network

Search

Wednesday, January 21, 2015

White noise o pagtatangka sa panlipunang eksperimento sa mag sentrong urban at mga petty b. artists

Ang premise ng curatorial project ay tingnan ang pusibleng resulta sa interaksyon ng mga professional artist mula sa panggitnang uri ng lipunan at sa maraling tagalungsod. May dalawang potensyal, direkta at hindi direktang impluwensya sa proyekto ang konsepto ng gahum at ideolohiya. Maaaring madetermina ng mga ekonomikong pwersa ang kamalayang panlipunan gayundin, maaaring makadetermina ang ideolohiya sa konkreto at materyal na lipunan. Kung sa musikal na komposisyon, parehong pusible ang tugtog at liriko nang hiwalay. Minsan meron nang tunog kaso wala pang titik. Pagka minsan naman, mayroong nang letra, ngunit wala pang musika o himig. Gayundin ang resulta ng white noise sa denotasyon at konotasyon nito, ang mahalagang punto ay hindi tabula rasa at isahang daan ang daloy ng pwersa. Sa trabaho ng street-artist sa isang brgy sa North Triangle, dambuhalang cut-out ang ginawa na hindi mapapnsin kung detalye lamang ang papansinin. Mas litaw ang kahulugan sa malaking larawan kaysa mga maliliit na siwang ng ilaw. Batay sa letrato ng bakod na gawa sa tinik na baka na naghihiwalay o nagbibigay sa karamihan ng (in)seguridad. Gayundin, ang tahimik na demolisyon sa Mandaluyong na ginagamitan ng software sa pagmamapa at instalasyon gawa sa mga materyal na madaling baklasin sa panahon ng krisis. Ang huling trabaho ay unipormeng may logo ng mag tigpipisong chichirya sa Brgy. Plastikan ng mga scavenger at nabubuhay sa basura.

Sunday, January 11, 2015

Meta-Kritik sa Nobelang Si Amapola sa 65 na Kabanata: Pagtiladtilad sa 5 Estratehiyang Kontra-Diskurso laban sa Homopobikong Kamalayang Filipino

0. Hindi ko pa nababasa ang pangalawang nobela ni Ricky Lee. Bagamat pamilyar ako sa mga skrip pampelikula at napasadahan ko ang naunang nobela niyang Para kay B. Maging ang mga maikling kwento ni Ricky Lee ay kanonikong teksto sa mga librong pampanitikan sa Pilipinas. Madalas na ikinukonsidera itong proponent ng postmodernong akda sa bansa. Interesante ito ang simulang teksto ng isang kurso para sa postmodernismo at kulturang Pilipino. May pagpapares o paghahambing ng kabuohang lohika ng huling kapitalismo kagaya ng sinasabi ni Jameson at nobelang bakla laban sa atrasadong homopobikong kamalayang Filipino. Mayroong ilang layunin ang artikulo na nahahati sa 4 na bahagi. Nakatutok lng ang meta-kritik na ito sa pangatlong layunin tungkol sa mga estratehiyang ginamit sa nobela bilang estratehiya laban sa homopobikong kamalayan at patriyarkal na kaisipan.

1.    Humanisasyon at Normalisasyon sa Bakla
Palagay ko ay mayroong affinity ang mga bakla sa iba pang sektor ng lipunan tinuturing na segunda klase at naisasantabi o naeetsa-pwera. Hindi sila tinuturing na normal o tao. Pero dahil ang nobela bilang porma ng panitikan ay sustenido at koherent na naratibo, kinakailangan magbago ang mga tauhan, tagpuan at kabuohang estado ng mga elemento nakapaloob sa uniberso nito. Ang humanisasyon at normalisasyon ay nagpapahiwatig ng gradwadong proseso ng pagbabago mula sa patungo. Medyo linear ang pagtingin na ito at usapin ng kapangyarihan o lehitimisasyon.  Dahil nga hindi kinukonsidera sa lipunan ang mga deviant at lampas sa kurbang normal, lahat ng nasa labas ng kahon ay nais na maipasok sa mga malilinis na mga kategorya. Ngunit mukhang sa nobela, dahil kinukonsidera ang iba-ibang naratibo, kung tutoosin ay wala nang grand naratibo. Ang matitira sa daigdig ng nobelang bankarote sa dambuhala at dakilang mga paliwanag ng pinagmulan o pag-iral ay mga masasalimuot na meta-naratibo. Napawalang bisa na ang kaisahan ng katotohanan at ang pagiging absuloto nito. Ang kinalabasan ay mga relatibong bersyon ng katotohanan, kagaya ng pagbasag sa hegemonya ng patriyarka at kolonyalismo. Gayundin, lumitaw at tumingkad din ang mga meta-naratibo ng mga mahinarlisadong sektor o yung mga nasa laylayan kagaya ng mga bakla.  

2.    Pilipinasyon ng Bakla
Isa pang katangian ng bakla sa nobela na tinalakay bilang estratehiya ng kontra-diskurso ay ang Pilipinasyon. Nakapaloob dito ang partikularidad o pagpopook ng bakla sa Pilipinas. Kagaya ng naunang estratehiya, nangangahulugan din ng proseso ng pagbabago ang Pilipinasyon. Higit na kumplikado at mayaman ang tradisyon sa pakikibaka ng kabaklaan sa bansa. Nabigyan ng katangian at kakanyahan sa proseso ang pagiging partikular ng karanasang bakla sa Pilipinas. Pangunahin dito ang paggamit ng metapora ng manananggal. At dahil postmodern, ang mga hangganan ay tila nabubura o lumalabo. Hindi na kasing linaw at konkreto ang mga boundery partikular sa kasaysayan. Palagay ko, maliban sa katuturan ng tagpuan bilang pook, mahalaga din ang saysay ng panahon. Kung kaya ang proseso ng pagbabago ay nagaganao sa partikular na pook at gayundin sa partikular na oras o panahon.

3.    Pagpapatawa at Subersiyon ng Pangungutya
Kaugnay ng mga kamakailan na karahasan sa Pransya kaugnay ng pagpaslang ng mga panatiko sa mga mamahayag at debuhista dahil sa ngalan ng relihiyon, napagisipan kong pusibleng walang tradisyon ng satirika ang mga gumawa ng pagpatay. Sa nobela, ang dating pinagtatawanan at nililibak ng lipunan ay gumaganti. Ang mga baklang impersonator ay may kakayahang mang-okray ng kanilang mga kliyente. Ngunit tila, sa ibang pagtingin maliban sa pagpapatawa ay mayroon din elemento ng dahas at siste. Kung babalikan yung karahasan, bagamat medyo malabo at malayo, baka walang siste at humahantong sa pagkapikon na mauuwi sa dahas. Sabi nga sa kaalamang bayan, ang pikon ay lagging talo. Kaugnay nito, marahil ang pikon ay gumagamit ng dahas kung ang nagpapatawa ay gumagamit ng siste at satirika. Ang bakla sa nobela ay gumamit din ng subersyon upang baliktarin ang sitwayson. Imbis na pinagtatawanan lamang sila sa lipunan, sila na ang nangungutya at may hawak ng diskurso. Kung gayon, maikukonsidera ito bilang pagbalikwas at kontra-diskurso.

4.    Biyak-Biyak na Pananaw at Dominanteng Metanaratibo
Palagay ko ito ang pinaka-tipikal na katangian ng postmodern sa kulturang Pilipino. Ang mga naratibo sa totoong buhay ay walang kaisahan at di talaga ugnay-ugnay sa isa’t isa. Sa nobela ang mga perspektiba ng tagapagsalaysay ay nagbabago at nag-iiba-iba rin. Ang bakla sa nobela ay may multiple na personalidad gayundin ang iba pang tauhan ay mayroon din mga punto de bista na pinagsasama-sama o pinagkukumbina sa iisang naratibo. Bagamat sa padron ng mga europeo, ang mga modernong akda na labis ang pagpapahalaga sa kaisahan bilang pormularyo, ang postmodern na naratibo ay hindi lang kabaliktaran kundi labag sa standard na ito.

5.    Pagpapalaganap sa Gay Language
Ang nobela ay kasangkapan upang mapadaloy nang malaya ang mga metanaratibo ng bakla. Palagay ko, kasabay ng phenomena ng postmodernismo ay napakahalaga ang tinatawag nilang linguistic turn. Ang atensyon na binigay sa mga pagpapakahulugan higit sa mga linggwistikong katangian ay mahalagang bahagi sa praktika ng mga postmodernistang manunulat. Para sa akin ang gay language ay minoritarian na lenggwahe. Ang pagiging mahinarlisadong sektor ng mga bakla ang siyang pinagmumulan din ng kanilang labis na kapangyarihan. Katulad ng anumang wika, dynamiko ito at nagbabago. Pero ang gay language ay higit na kumplikado at nagsasanga-sanga. Marahil mahahalintulad ito sa Esperanto na ginagamit ng mga anarkista o mga koda na ginagamit ng mga aktibista laban sa opresibong rehimen. Gayundin, sa kaso ng Basque sa Espanya, napaka-importanteng sandata ng lenggwahe. Naiintindihan nila ang kalaban pero hindi sila naiintindihan nito.


nb. Maraming implikasyon ang nobela bilang lunsaran ng mga ideya. Ang partikular na nobela ay kakikitaan ng mga estratehiyang kontra-diskurso. Kung ang gahum ay patriyarkal at marahas laban sa bakla, sa pamamagitan ng postmodernistang lapit at pamamaraan ay maaaring mabaliktad ang sitwasyon. Ngunit magkakaroon lamang ng bisa ito kung ang mga mambabasa ay gagamit din ng lente ng postmodernista. Kung hindi, tatawanan o pagtatawanan lamang nila ito nang hindi naiintindihan bakit. Sabi nga ni Joey De Leon sa Wow Mali, ang tama nakakatuwa, ang mali ay nakakatawa.

Monday, November 24, 2014

Mga Naulila ni Yolanda


Unang tomo sa 15 ang serye ng sine ni Lav Diaz, matagaltagal ko rin inaantabayanan ang mga pelikula ni Pugot Brocka. Bukod sa black and white at mahaba-habang pelikula, mayroon pa ring bago sa kasalukuyang proyekto ng sine Olvia. Dahil sa nangyari sa Haiyan, nagbunsod ito ng pangangailangan upang maibahagi ang istorya ng yolada sa perspektiba ng mga nasa laylayan, etsapwera at naisantabi, sa kasong ito ang mga batang nakaligtas sa delubyo. Dahil sa paksa ng dokumentaryo, mainam talagang monochrome ang kulay upang makatuon sa lalim at lawak ng kwento nang hindi nababaling ang atensyon sa ibang detalye. Kung baga, nahahati sa dalawa lang ang bista ng manonood. Mas mabibigay ang eksena sa itim at puti, dahil nahahati lamang ito sa pinakapayak na yunit ng pagtingin, dilim at liwanag. Kung gayon mas kapansinpansin ang tutok ng pelikula sa mga tuahan at pook na kanilang ginagalawan. Maging ang tunggalian ay pinasimple rin. Hindi nangangahulugang dahop ang dokumentaryo sa kulay o sa detalyte. Bagkus sinasagot ng haba at bigat ng oras palabas ang kulay nito. Dahil sa tiempo ng pelikula na sumasabay sa pinakanatural at makatotohanang takbo ng buhay sa pook na sinalanta ng Haiyan. Ang babad ng kamera ay may kinalaman sa tagal ng pagdating ng atensyon o pagpuproseso ng nakikitang katotohanan. hindi ito sumasabay sa bilis ng teknolohiya sa kasalukuyan na siyang naghahatid ng ating pakiramdam at nararanasan. Dahil sa mga eksena, tinampok ang mabigat na karanansan ng mga anak ng unos. Mararamdaman mo ang bagal ng takbo pagka naghihintay ka sa walang katiyakan. Kasabay ng mga batang nagiigib sa balong natatabunan ng mga debris gawa ng mga bapor na pumatag sa kanilang mga kabahayan. Paulitulit, umuulan at nag-iigib ang mga bata. Gayundin mayroon silang hinahanap na tila hindi nila masumpungan. Parang isang kwentong pantastiko walang totoong mainam na katapusan. Ang realidad ay walang happy ending, walang pag-asa. Kahit sa pagkakarne o pangangahoy sa mga dambuhalang barko na siyang umubos sa kanilang tahanan natabunan na rin kinabukasan ng mga bata. Ang mga bata ay tila naglalaro lang, hindi alintana ang bagsik ng bagyo o biglang pagbabago dala nito. Bagamat ang mga higanteng bakal na nagsisilbing pangwasak at tagapatag ng mga kabahayan sa tabing dagat, naging palaruan pa ito ng mga bata. Sa unang bahagi ng dokumentaryo, wala pa sa Leyte o sa probinsya ang baha, nasa syudad pa ng Marikina o Caloocan ang mga anak ng unos. Mukhang hindi lang mga bata ang tinutukoy na supling kundi maging ang mga naanod na basura at bahagi ng memorya. Kinakailangan itong pilian. Kung baga sa bigas ay kailangang tahipan. Para malipad ng hangin ang ipa at maiwan binayong palay, pang maisaing ang hinugasang bigas. Ang mga anak ng unos ay mga basurang mina, bagamat tapos na ang unang tomo ay mayroong pang 14 na kasunod. Kahit pa matapos ang ika-15, may maiiwan pa ring latak na iniwan ng minahang hindi na kalikasan ang may sala o parusang galing sa itaas, kundi ng mga tao at korporasyon nais na kumita anuman ang kapalit o kabayaran kahit pa maulila ang mga batang anak ng unos.

Saturday, November 1, 2014

MUNTING PANALANGIN NGAYONG UNDAS ni Itim Luntian

Nawa’y kasihan tayo ng mga ispiritu ng mga KAGUBATAN, ILOG, LAWA, SAPA, AT KARAGATAN. Sana ay tulungan tayo ng KARUNUNGAN NG ATING MGA NINUNO na maunawaan na tayong mga tao sa arkipelago at sa ibang panig ng mundo na tayo ay bahagi lang ng napakalawak at samu’t-saring buhay sa sansinukob. Ang MALAWAK NA PAGKASIRA NG KALIKASAN, KAHIRAPAN, PAG-ALIPUSTA SA KABABAIHAN AT PATULOY NA DIGMAAN ay palatandaan ng ATING KAMANGMANGAN. Ang patuloy na PAGHAHANGAD NATIN NG KAPANGYARIHAN AT LABIS-LABIS NA YAMAN ay isang malaking kahibangan na nagre-resulta lamang ng pagsira ng ating sarili at pagduhagi sa mga komunidad, mga pamilya at pamayanan. 
Nawa’y malampasan natin ang krisis na ito at muli tayong makaugnay sa ating organikong sarili at kapaligiran. Nawa'y muling umiral ang respeto, pag-ibig, kapayapaan, sapat na pangangailangan at sustenableng pamumuhay. 
Sa GABAY NG ATING MGA NINUNO.

Tuesday, October 28, 2014

Tugon sa mga Hamon ng Pagbabagong Klima

Ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ang kinikilalang organisasyon na nangunguna sa pagsubaybay at pag-aaral ng climate change. Nabuo ito dahil sa United Nations Environment Program (UNEP) at World Meteorological Organisation(WMO) noong 1988 na ang isa sa pangunahing layunin ay mabigyan tayo ng syentipikong pag-unawa tungkol sa nabanggit na isyu. 
Sa ganitong konteksto ay hindi kataka-takang ang diskurso at debate sa isyu ng global warming, krisis sa ekolohiya, at krisis sa klima ay nadodominahan ng mga teknikal na usapin at termino na karaniwang interes ng mga syentipiko, akademya at mga sektor na may kakayahang sumabay sa kalikasan ng syentipikong diskurso. 
Sa kabilang banda, hindi matatawaran ang papel ng syensya lalo sa pagkalap ng mga impormasyon na kritikal sa ating pagde-desisyon kaugnay sa mga hakbangin para sa pagtugon sa mga isyu kaugnay ng krisis sa klima. Subalit sa maraming pagkakataon ay napag-iiwanan nito sa proseso ang mga marhinalisadong sektor at mga grupo sa lipunan na ang oras ay okupado ng paghahanap ng makakain sa bawat araw. Kaya’t sa kabila ng malawak na pagsalanta at banta sa buhay, hindi naabot ng isyu ng pagbabagong klima at kahandaan ang mga ordinaryong tao. Halos taon-taon ay patuloy tayong nalalagim sa mga ulat ng trahedya. 
Salamat sa syensya at alam natin na ang PAGBABAGO NG KLIMA AY ISANG DI MAPIPIGILANG EPEKTO NG MGA KAGAGAWAN NG TAO. Batay sa datus na ipinapakita sa atin, malaki ang papel ng mga industriyalisasyon ng sibilisasyon ng tao sa pagpapabilis ng proseso ng climate change. Ang patuloy na deposito ng mga greenhouse gases sa ating atmospera ay dulot ng mga industriyang ang layon ay lumikha nang lumikha upang isustena ang kultura ng konsyumerismo. 
Tunay ngang ang pagpapanatiling mangmang sa mga tao sa usapin ng ugnayan ng climate change sa industriyalisasyon, komersyalismo, konsumerismo - ay malaking hadlang sa pagtatanto na maaari tayong manirahan sa mundo nang hindi ito sinisira.
Sa ating lokal na kalagayan, may mga komunidad at organisasyon na seryoso sa pagsasa-ayos ng sa tingin nila’y nararapat na paghahanda upang hindi na maulit ang mga nakaraang trahedya na kumitil sa maraming buhay at sumira sa malawak na bilang ng mga kabuhayan at ari-arian. Ganunpaman ,hindi nabibigyang suporta o pagkilala ang mga pamamaraang ito na nakikita nilang epektibo at angkop sa kanilang aktuwal na kundisyon. 
Hindi popular lalo sa mga komunidad at pamilya sa kalungsuran ang mga katutubong pamamaraan ng paghahanda, rehabilitasyon at pagpapatuloy ng kabuhayan sa panahon ng pagbabago-bago ng klima, na maiu-ugat sa kultura ng ating mga ninuno na nanahanan sa arkipelago mula pa noong sinaunang panahon. Sa kabila ito ng katotohanan ka kaya tayo naririto ngayon ay dahil ginawa ng mga ninuno natin ang kanilang makakaya upang mapanatili ang ating lipi. Minana natin ang buhay at katutubong sistema na angkop at ayon sa mga likas na proseso ng iba’t-ibang ekosistema.
Malawak at malalim na ang pinsala ng “modernong” sibilisasyon at banyagang mentalidad sa ating mga katutubong kultura. Maigi at marami pa ring mga katutubong komunidad sa kasalukuyan na nagagawang protektahan ang kanilang mga kultura sa panghihimasok, pamimilit at diskriminasyon ng mga tinatawag na sibilisado na ang ilan sa mga pagtatangka ay naganap noong 1521, 1565,1989, 1940’s. 
Ang kampanya sa ngayon para sa climate change related issues ay parang industriya na ang sistema ay tila pinatatatag din ng relasyong pangpamilihan na umiikot sa malalaking pondo, palitan ng pabor, closed-door meetings, ganansya at utang. Nararapat lang siguro na magkaroon din ng pagtugon na magmumula sa komunidad na hindi nakadepende sa pera at sa sasabihin ng mga gobyerno na sa unang banda ay pumayag na samantalahin ng mga korporasyon ang mga yamang-kalikasan at tao.
May mga naitala na patungkol sa pagiging higit na resilient ng mga komunidad lalo sa mga rural at liblib na hindi inabot ng mga relief at sistema ng suporta ng mainstream na media at gobyerno. Ang mga aksyong ito gaya ng indigenous disaster-preparedness, paggamit ng mga lokal na termino sa hazard-mapping, paglunsand ng mga autonomous response, bottom-up planning, mutual aid vs. charity , at long-term response vs. relief ang mga inaasam na matalakay sa darating na Yolanda Commemoration sa November 8, sa Uno Morato, Quezon City. Isa itong skills at experience sharing sa usapin ng disaster-response at preparedness. Nakabase man ang mga ito sa aksyon ng maliliit na komunidad at organisasyon, hindi namin nakakalimutan ang ugnayan ng tugon naming ito sa mga isyung global gaya ng kahirapan, utang, malawakang environmental extraction, money economy, langis, toxic wastes, state collaborations, racism, gyera at iba pa.
Para sa mga katanungan at pagpapahayag ng kagustuhang makilahok,
Magtext 0906-7570-281, 0927-8619664
Maari ding mag-email sa marindukanon@gmail.com, imcmarinduque@riseup.net
LOCAL AUTONOMOUS NETWORK at
SINING,KALIKASAN, AKLASAN Network