END:CIV

Join The Network

Search

Tuesday, October 28, 2014

Tugon sa mga Hamon ng Pagbabagong Klima

Ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ang kinikilalang organisasyon na nangunguna sa pagsubaybay at pag-aaral ng climate change. Nabuo ito dahil sa United Nations Environment Program (UNEP) at World Meteorological Organisation(WMO) noong 1988 na ang isa sa pangunahing layunin ay mabigyan tayo ng syentipikong pag-unawa tungkol sa nabanggit na isyu. 
Sa ganitong konteksto ay hindi kataka-takang ang diskurso at debate sa isyu ng global warming, krisis sa ekolohiya, at krisis sa klima ay nadodominahan ng mga teknikal na usapin at termino na karaniwang interes ng mga syentipiko, akademya at mga sektor na may kakayahang sumabay sa kalikasan ng syentipikong diskurso. 
Sa kabilang banda, hindi matatawaran ang papel ng syensya lalo sa pagkalap ng mga impormasyon na kritikal sa ating pagde-desisyon kaugnay sa mga hakbangin para sa pagtugon sa mga isyu kaugnay ng krisis sa klima. Subalit sa maraming pagkakataon ay napag-iiwanan nito sa proseso ang mga marhinalisadong sektor at mga grupo sa lipunan na ang oras ay okupado ng paghahanap ng makakain sa bawat araw. Kaya’t sa kabila ng malawak na pagsalanta at banta sa buhay, hindi naabot ng isyu ng pagbabagong klima at kahandaan ang mga ordinaryong tao. Halos taon-taon ay patuloy tayong nalalagim sa mga ulat ng trahedya. 
Salamat sa syensya at alam natin na ang PAGBABAGO NG KLIMA AY ISANG DI MAPIPIGILANG EPEKTO NG MGA KAGAGAWAN NG TAO. Batay sa datus na ipinapakita sa atin, malaki ang papel ng mga industriyalisasyon ng sibilisasyon ng tao sa pagpapabilis ng proseso ng climate change. Ang patuloy na deposito ng mga greenhouse gases sa ating atmospera ay dulot ng mga industriyang ang layon ay lumikha nang lumikha upang isustena ang kultura ng konsyumerismo. 
Tunay ngang ang pagpapanatiling mangmang sa mga tao sa usapin ng ugnayan ng climate change sa industriyalisasyon, komersyalismo, konsumerismo - ay malaking hadlang sa pagtatanto na maaari tayong manirahan sa mundo nang hindi ito sinisira.
Sa ating lokal na kalagayan, may mga komunidad at organisasyon na seryoso sa pagsasa-ayos ng sa tingin nila’y nararapat na paghahanda upang hindi na maulit ang mga nakaraang trahedya na kumitil sa maraming buhay at sumira sa malawak na bilang ng mga kabuhayan at ari-arian. Ganunpaman ,hindi nabibigyang suporta o pagkilala ang mga pamamaraang ito na nakikita nilang epektibo at angkop sa kanilang aktuwal na kundisyon. 
Hindi popular lalo sa mga komunidad at pamilya sa kalungsuran ang mga katutubong pamamaraan ng paghahanda, rehabilitasyon at pagpapatuloy ng kabuhayan sa panahon ng pagbabago-bago ng klima, na maiu-ugat sa kultura ng ating mga ninuno na nanahanan sa arkipelago mula pa noong sinaunang panahon. Sa kabila ito ng katotohanan ka kaya tayo naririto ngayon ay dahil ginawa ng mga ninuno natin ang kanilang makakaya upang mapanatili ang ating lipi. Minana natin ang buhay at katutubong sistema na angkop at ayon sa mga likas na proseso ng iba’t-ibang ekosistema.
Malawak at malalim na ang pinsala ng “modernong” sibilisasyon at banyagang mentalidad sa ating mga katutubong kultura. Maigi at marami pa ring mga katutubong komunidad sa kasalukuyan na nagagawang protektahan ang kanilang mga kultura sa panghihimasok, pamimilit at diskriminasyon ng mga tinatawag na sibilisado na ang ilan sa mga pagtatangka ay naganap noong 1521, 1565,1989, 1940’s. 
Ang kampanya sa ngayon para sa climate change related issues ay parang industriya na ang sistema ay tila pinatatatag din ng relasyong pangpamilihan na umiikot sa malalaking pondo, palitan ng pabor, closed-door meetings, ganansya at utang. Nararapat lang siguro na magkaroon din ng pagtugon na magmumula sa komunidad na hindi nakadepende sa pera at sa sasabihin ng mga gobyerno na sa unang banda ay pumayag na samantalahin ng mga korporasyon ang mga yamang-kalikasan at tao.
May mga naitala na patungkol sa pagiging higit na resilient ng mga komunidad lalo sa mga rural at liblib na hindi inabot ng mga relief at sistema ng suporta ng mainstream na media at gobyerno. Ang mga aksyong ito gaya ng indigenous disaster-preparedness, paggamit ng mga lokal na termino sa hazard-mapping, paglunsand ng mga autonomous response, bottom-up planning, mutual aid vs. charity , at long-term response vs. relief ang mga inaasam na matalakay sa darating na Yolanda Commemoration sa November 8, sa Uno Morato, Quezon City. Isa itong skills at experience sharing sa usapin ng disaster-response at preparedness. Nakabase man ang mga ito sa aksyon ng maliliit na komunidad at organisasyon, hindi namin nakakalimutan ang ugnayan ng tugon naming ito sa mga isyung global gaya ng kahirapan, utang, malawakang environmental extraction, money economy, langis, toxic wastes, state collaborations, racism, gyera at iba pa.
Para sa mga katanungan at pagpapahayag ng kagustuhang makilahok,
Magtext 0906-7570-281, 0927-8619664
Maari ding mag-email sa marindukanon@gmail.com, imcmarinduque@riseup.net
LOCAL AUTONOMOUS NETWORK at
SINING,KALIKASAN, AKLASAN Network

0 comments:

Post a Comment