0. Hindi ko pa
nababasa ang pangalawang nobela ni Ricky Lee. Bagamat pamilyar ako sa mga skrip
pampelikula at napasadahan ko ang naunang nobela niyang Para kay B. Maging ang
mga maikling kwento ni Ricky Lee ay kanonikong teksto sa mga librong
pampanitikan sa Pilipinas. Madalas na ikinukonsidera itong proponent ng
postmodernong akda sa bansa. Interesante ito ang simulang teksto ng isang kurso
para sa postmodernismo at kulturang Pilipino. May pagpapares o paghahambing ng
kabuohang lohika ng huling kapitalismo kagaya ng sinasabi ni Jameson at
nobelang bakla laban sa atrasadong homopobikong kamalayang Filipino. Mayroong
ilang layunin ang artikulo na nahahati sa 4 na bahagi. Nakatutok lng ang
meta-kritik na ito sa pangatlong layunin tungkol sa mga estratehiyang ginamit
sa nobela bilang estratehiya laban sa homopobikong kamalayan at patriyarkal na
kaisipan.
1.
Humanisasyon
at Normalisasyon sa Bakla
Palagay ko ay mayroong affinity ang
mga bakla sa iba pang sektor ng lipunan tinuturing na segunda klase at
naisasantabi o naeetsa-pwera. Hindi sila tinuturing na normal o tao. Pero dahil
ang nobela bilang porma ng panitikan ay sustenido at koherent na naratibo,
kinakailangan magbago ang mga tauhan, tagpuan at kabuohang estado ng mga
elemento nakapaloob sa uniberso nito. Ang humanisasyon at normalisasyon ay
nagpapahiwatig ng gradwadong proseso ng pagbabago mula sa patungo. Medyo linear
ang pagtingin na ito at usapin ng kapangyarihan o lehitimisasyon. Dahil nga hindi kinukonsidera sa lipunan ang
mga deviant at lampas sa kurbang normal, lahat ng nasa labas ng kahon ay nais
na maipasok sa mga malilinis na mga kategorya. Ngunit mukhang sa nobela, dahil
kinukonsidera ang iba-ibang naratibo, kung tutoosin ay wala nang grand
naratibo. Ang matitira sa daigdig ng nobelang bankarote sa dambuhala at
dakilang mga paliwanag ng pinagmulan o pag-iral ay mga masasalimuot na
meta-naratibo. Napawalang bisa na ang kaisahan ng katotohanan at ang pagiging
absuloto nito. Ang kinalabasan ay mga relatibong bersyon ng katotohanan, kagaya
ng pagbasag sa hegemonya ng patriyarka at kolonyalismo. Gayundin, lumitaw at
tumingkad din ang mga meta-naratibo ng mga mahinarlisadong sektor o yung mga
nasa laylayan kagaya ng mga bakla.
2.
Pilipinasyon
ng Bakla
Isa pang katangian ng bakla sa
nobela na tinalakay bilang estratehiya ng kontra-diskurso ay ang Pilipinasyon.
Nakapaloob dito ang partikularidad o pagpopook ng bakla sa Pilipinas. Kagaya ng
naunang estratehiya, nangangahulugan din ng proseso ng pagbabago ang Pilipinasyon.
Higit na kumplikado at mayaman ang tradisyon sa pakikibaka ng kabaklaan sa
bansa. Nabigyan ng katangian at kakanyahan sa proseso ang pagiging partikular ng
karanasang bakla sa Pilipinas. Pangunahin dito ang paggamit ng metapora ng
manananggal. At dahil postmodern, ang mga hangganan ay tila nabubura o
lumalabo. Hindi na kasing linaw at konkreto ang mga boundery partikular sa
kasaysayan. Palagay ko, maliban sa katuturan ng tagpuan bilang pook, mahalaga
din ang saysay ng panahon. Kung kaya ang proseso ng pagbabago ay nagaganao sa
partikular na pook at gayundin sa partikular na oras o panahon.
3.
Pagpapatawa
at Subersiyon ng Pangungutya
Kaugnay ng mga kamakailan na
karahasan sa Pransya kaugnay ng pagpaslang ng mga panatiko sa mga mamahayag at
debuhista dahil sa ngalan ng relihiyon, napagisipan kong pusibleng walang
tradisyon ng satirika ang mga gumawa ng pagpatay. Sa nobela, ang dating
pinagtatawanan at nililibak ng lipunan ay gumaganti. Ang mga baklang
impersonator ay may kakayahang mang-okray ng kanilang mga kliyente. Ngunit
tila, sa ibang pagtingin maliban sa pagpapatawa ay mayroon din elemento ng
dahas at siste. Kung babalikan yung karahasan, bagamat medyo malabo at malayo,
baka walang siste at humahantong sa pagkapikon na mauuwi sa dahas. Sabi nga sa
kaalamang bayan, ang pikon ay lagging talo. Kaugnay nito, marahil ang pikon ay
gumagamit ng dahas kung ang nagpapatawa ay gumagamit ng siste at satirika. Ang
bakla sa nobela ay gumamit din ng subersyon upang baliktarin ang sitwayson.
Imbis na pinagtatawanan lamang sila sa lipunan, sila na ang nangungutya at may
hawak ng diskurso. Kung gayon, maikukonsidera ito bilang pagbalikwas at
kontra-diskurso.
4.
Biyak-Biyak
na Pananaw at Dominanteng Metanaratibo
Palagay ko ito ang pinaka-tipikal
na katangian ng postmodern sa kulturang Pilipino. Ang mga naratibo sa totoong
buhay ay walang kaisahan at di talaga ugnay-ugnay sa isa’t isa. Sa nobela ang
mga perspektiba ng tagapagsalaysay ay nagbabago at nag-iiba-iba rin. Ang bakla
sa nobela ay may multiple na personalidad gayundin ang iba pang tauhan ay
mayroon din mga punto de bista na pinagsasama-sama o pinagkukumbina sa iisang naratibo.
Bagamat sa padron ng mga europeo, ang mga modernong akda na labis ang
pagpapahalaga sa kaisahan bilang pormularyo, ang postmodern na naratibo ay hindi
lang kabaliktaran kundi labag sa standard na ito.
5.
Pagpapalaganap
sa Gay Language
Ang nobela ay kasangkapan upang
mapadaloy nang malaya ang mga metanaratibo ng bakla. Palagay ko, kasabay ng
phenomena ng postmodernismo ay napakahalaga ang tinatawag nilang linguistic
turn. Ang atensyon na binigay sa mga pagpapakahulugan higit sa mga linggwistikong
katangian ay mahalagang bahagi sa praktika ng mga postmodernistang manunulat.
Para sa akin ang gay language ay minoritarian na lenggwahe. Ang pagiging
mahinarlisadong sektor ng mga bakla ang siyang pinagmumulan din ng kanilang
labis na kapangyarihan. Katulad ng anumang wika, dynamiko ito at nagbabago.
Pero ang gay language ay higit na kumplikado at nagsasanga-sanga. Marahil
mahahalintulad ito sa Esperanto na ginagamit ng mga anarkista o mga koda na
ginagamit ng mga aktibista laban sa opresibong rehimen. Gayundin, sa kaso ng
Basque sa Espanya, napaka-importanteng sandata ng lenggwahe. Naiintindihan nila
ang kalaban pero hindi sila naiintindihan nito.
nb. Maraming implikasyon ang nobela bilang lunsaran ng mga ideya.
Ang partikular na nobela ay kakikitaan ng mga estratehiyang kontra-diskurso.
Kung ang gahum ay patriyarkal at marahas laban sa bakla, sa pamamagitan ng
postmodernistang lapit at pamamaraan ay maaaring mabaliktad ang sitwasyon.
Ngunit magkakaroon lamang ng bisa ito kung ang mga mambabasa ay gagamit din ng
lente ng postmodernista. Kung hindi, tatawanan o pagtatawanan lamang nila ito
nang hindi naiintindihan bakit. Sabi nga ni Joey De Leon sa Wow Mali, ang tama
nakakatuwa, ang mali ay nakakatawa.
0 comments:
Post a Comment