Araw-araw ay nagbabayad ang mga Pilipino ng 12% na buwis. Kung ang isang indibidwal ay gumagastos sa araw-araw ng P200 sa pagkain, transportasyon, pananamit, pabahay, atbp, sa isang taon ay nagbabayad siya ng halos P9000 sa buwis. Labas pa ito sa binabayaran sa BIR ng mga taong may trabaho. Walang nakalulusot. Kahit ang akto ng pagbili ng banana-cue at pagsakay sa jeep ay may katumbas na buwis. Pagkapanganak pa lang ng isang sanggol ay binabayaran na niya agad ang utang ng gobyernong nauna sa kanya. Ni hindi itinatanong kung sang-ayon ba siya o hindi.
Ngunit saan nga ba
napupunta ang buwis na ito? Ito ang ipinapaliwanag ng presidente tuwing SONA.
Sa kabila ng pagbabayad natin sa pamahalaan, mailap pa rin
ang isang sapat, ekolohikal at harmonikong pamumuhay sa ating bansa. Tuloy pa
rin ang pagbebenta ng gobyerno sa mga korporasyon ng mga yamang likas. Isa pa rin tayo sa may
pinakamataas na presyo ng kuryente at internet sa Asya. Nakakabanas pa rin ang
sitwasyon sa mga pampublikong transportasyon. Nasa panganib pa rin ang mga tao
sa rural man o urban tuwing nagkakaroon ng sakuna. Mabagal pa rin ang serbisyo
sa mga opisna ng gobyerno na tila ba utang na loob natin sa kanila ang
pag-asikaso sa atin. Buhay na buhay pa rin ang kultura ng panunuhol at
korapsyon. Ang pangil ng batas ay nananatiling para lang sa mahihirap.
Kinakailangan pang magbayad ng mahal para lang maintindihan ng isang karaniwang
tao ang batas.
Tila ba monopolyado ng mga korporasyon at gobyerno ang lahat
ng “serbisyo”. Sa tulong pa ng mainstream
media ay idinidikta nila kung ano ang magandang buhay at hindi. Tadtad ng
mga billboard ang EDSA, ng patalastas ang tv, radyo at internet. Direktang idinodoktrina ang pagkonsumo bilang
sukatan ng magandang buhay. Ang pagiging kritikal at malikhain ay tinutuligsa sa trabaho man o
paaralan. Ang mga nagiging mulat naman ay tinatawag nilang rebelde, aktibista,
kalaban ng “demokrasya” at ang matindi sa lahat: wala-sa-uso.
Para ipakita ang mga alternatibong solusyon sa mga
pang-araw-araw na problema, binuo ng ilang malayang organisasyon at indibidwal
ang Sining Kalikasan Aklasan noong taong 2014. Isa itong mapayapang
demonstrasyon para sa madla ng iba’t ibang inisyatibang pinapairal na sa iba’t
ibang lugar sa bansa at buong mundo. Ito ay mga inisyatibang hindi umaasa sa
kumpirmasyon at “tulong” ng pamahalaan. Dito, libreng nagsasagawa ng mga
pasanayan o workshop sa mga kapaki-pakinabang na paraan ng pamumuhay. Halimbawa
na lang sa mga itinatampok ay mga
workshop sa urban-farming, herbal healing, pag-set up ng Solar Power sa mga
bahay, Permaculture, Do-it-yourself publishing, atbp. Mayroon ding
mass-feeding, free-reading sa mga libro at Free-market (palengkeng walang
bayad) kung saan maaaring kumuha at magbahagi ang mga tao ng mga gamit na di na
ginagamit. Pinatingkad pa ito ng mga aktibidad gaya ng pagtula, tugtugan,
sayawan at live-painting. Lahat ay
maaaring makilahok at magbahagi ng kanilang mga talento. Sa makatuwid, isa itong
skills-sharing event na walang pinipiling kalahok.
Hinihikayat ang lahat na makisalo sa ikalawang taon ng
nasabing event sa July 20, 2015 sa Quezon Memorial Cicle, kanto ng Kalayaan
Ave. Tatakbo ang programa mula 7am hanggang 5pm. Hinihikayat din ang mga tao na
magdala ng sariling utensils sa pagkain para mabawasan ang basura.
Simulan natin ang espirito ng pagbabahagi sa pamamagitan ng
pagsasabi ng tungkol dito sa mga kaibigan, kapamilya, katrabaho, katambayan, at
kahit sinong sa tingin natin ay magiging interesado sa malakihang-bahagian na
ito na tinatawag naming Sining Kalikasan Aklasan.
Maraming salamat at hinayaan mo kaming ibahagi ito sa’yo.
Mula sa S.K.A.
Network
Pilipinas
Hulyo, 2015
0 comments:
Post a Comment