*Onsite Infoshop – Local
Autonomous Network (LAN)
Lubhang napakaraming kulturang
umiral at patuloy na isinasabuhay ng iba’t ibang katutubong pamayanan sa
kapuluan. Sinasabing mayroong 110 na mga
lenggwahe sa kapuluan at marami dito ang gumagamit ng salitang “manggayaw” o
“panggayaw” o may konsepto nito. Ang mga
salitang ito na ginagamit ng maraming katutubong pamayanan sa iba’t ibang pook
sa Luzon, Visayas at Mindanao ay nangangahulugan ng pag-atake sa dagat man o sa
lupa sa mga target na “kaaway” na ang dahilan ay maaring paghihiganti,
proteksyon ng komunidad, pangunguha ng babaeng aasawahin o sadyang aatake upang
pagnakawan at mangbihag sa isang tukoy na komunidad.
Barbarismo ang unang ideyang
papasok sa ating isipan sa oras na marinig ang salitang ito dahil ito ang
itinatak sa ating kaisipan ng ating lipunan sa pamamagitan ng mga institusyonng
pamahalaan, merkado, paaralan at simbahan.
Mainam na magkaroon tayo ng pamilyarisasyon
sa kulturang itong isa sa matitingkad na relasyon ng ating mga ninuno sampu ng
kasalan, sanduguan, kalakalan at digmaan. Mahalaga para sa maraming grupo ng
lumad sa kapuluan ang gawaing “pag-atake” at panggagamot”. Ang mga gawing ito
ay malalim na nakaugnay sa iba pang kaugalian kagaya ng pag-aasawa, pagtatanim,
pangagaso, pangangalakal at ritwal para sa mga katutubong panginoon.
Sabi ng mga dayuhan
(republikanong pamahalaan, komunista at simbahan) ang mga kagawian ng ating mga
ninuno ay atrasado na kailangang palitan, kaya ang pagta-tato, pagkulay ng
ngipin, pagtalima sa katutubong paniniwala at ispiritwalidad at iba pa ay
idineklarang gawa ng demonyo ng mga dayuhang kristiyano kaya maraming rekord sa
kasaysayan ang pagpaslang sa mga babaylan at pandarahas sa komunidad na
nabubuhay sa kanilang kasarinlan. Sa totoo wala naman talagang perpektong
kultura at lipunan at kung ating lilimiin, higit pang mainam ang katutubong
kagawian kumpara sa nagaganap na “kaunlaran” kung saan winawasak ang kalikasan,
pinapatay ang mga pamayanan, kontrolado ang yaman ng lipunan ng ilang pamilya
at korporasyon, laganap ang kahirapan at kagutuman.
Maaring isipin na ang panggayaw
ay tanggap nakagawian ng ating mga
ninuno, malamang hindi ito “masama” para sa kanila. Isa ito sa mga unang nais
alisin ng mga dayuhan dahil ito ay direktang banta sa kanilang pananakop. Sa
konteksto ng bakbakan sa Mactan sa Cebu, ang panggayaw sa pangunguna ni
Lapu-Lapu ay matagumpay na nagpanatili ng kasarinlan at otonomiya ng kanilang
komunidad. Magmula ng “tinanggap” ng Visayas ang otoridad ng Espanaya at
Simbahan ang mga katutubo mula sa Mindanao ay regular na nagsasagawa ng
panggayaw sa mga komunidad sa Visayas na kontrolado ng mga kastila. Sa Hilagang Luzon, panggayaw din ang paraan
ng mga katutubo roon kaya’t hindi nakapaghasik ng ganap na kontrol ang mga
dayuhan. Sa kasalukuyan ang ilang grupo ng Lumad sa Mindanao ay gumamit din ang
panggayaw, nag-armas ng mga paltik at mga katutubong sandata at hinaras ang mga
puwersa ng armadong kaliwa.
Ang panggayaw ay angkop at
napapanahon na muling isabuhay at bigyan ng bagong kahulugan ayon sa
kasalukuyang kaganapan. Isa ito sa
bahagi ng ating kultura na nakukulapulan ng karahasan ayon sa kanyang konteksto
at sitwasyon. Subalit ang tanong,
may mas marahas pa ba sa gawaing pagmimina? Ano ang
mas marahas pa sa pag-alipusta at pagwasak sa mga katutubong kultura? May mas
madugo pa ba sa karahasan ng kagutuman dulot ng digmaan?
Ang panggayaw bilang isa sa ating
kultura ay siyang konkretong sagot sa karahasang hatid ng mga korporasyon,
armadong mga grupo at mga institusyon na ang layon ay pagsamantalahan,
pagkakitaan at kontrolin ang mga katutubong komunidad sa kapuluan.
Manggayaw tayo upang protektahan
ang mga nalalabing katutubong kultura, manggayaw tayo para tubusin ang ating
mga katutubong sarili mula sa institusyon ng pamilihan (merkado), pamahalaan,
simbahan at mga korporasyon.
0 comments:
Post a Comment