END:CIV

Join The Network

Search

Tuesday, June 10, 2014

“Si Malakas at si Maganda”

Ang pagsulpot ng ating mga ninuno sa daigdig ay mula sa mga biyas ng kawayan na bumuka mula sa pagtuka ng isang ibon. Tayo ay bahagi ng kalikasan, tayo ay iniluwal ng mapagkalinga at marahas na proseso ng samut-saring buhay ng kalikasan at pantay na sumulpot ang dalawang kasarian.
Ang krisis ng Inang Kalikasan ay isyu ng lahat ng organismo sa daigdig, ang negatibong epekto ng mga pagbabago sa ating kalikasan ay direkta at indirektang mararamdaman ng bawat isa sa atin. Sa kahit anong sangay o katayuan natin sa buhay at lipunan, mararanasan natin ang pasakit dulot ng pagkawasak ng kagubatan at kabundukan, pagkalason ng mga ilog at dagat at pagkaubos ng iba’t-ibang uri ng organismo. Sa kabila ng mga batas sa pambansa at mga ordinansa sa mga munisipal at lokal na nagpo-protekta sa ating kalikasan, ang malawakang pagsira sa mga ekosistema ay patuloy na nagaganap at ang masaklap wala kahit isang opisyal ang nananagot sa mga nabanggit na krimen.
Totoong walang mahirap o mayaman sa kalamidad dulot ng kalikasan subalit ang mahihirap sa kanayunan at mga maralitang tagalungsod ay higit na maselan; bukod dito’y walang sistematikong aksyon ang pamahalaan upang suportahan ang mga biktima.
Walang iisang ideya ang makakapagpaliwanag sa kumplikadong isyu ng pagkasira ng kalikasan na matatanggap ng lahat tao sa daigdig, tila hindi sapat ang agham upang pagkaisahin ng pananaw ang mga institusyon sa isyu partikular sa krisis sa klima.
Ang KAMANGMANGAN ay isang direktang na pagpapaliwanag sa ating kawalan ng interes sa seryosong isyung pangkalikasan. Wala ng higit pang mas likas-kaya sa pamumuhay ng ating mga kapatid na katutubo, subalit karaniwan na sa atin na libakin sila at maliitin bilang primitibo. Ang katangahan nating ituring sila bilang napag-iwanan ng panahon ay dulot ng kamangmangan natin iugnay ang sarili sa ating organikong kultura at ispiritwalidad. Tayo ngayon ay nagumuon na sa buhay konsyumerismo, wala tayong pagkilala sa ating kakayanang likhain ang ating mga sariling pangangailangan. Naninikluhod tayo sa gahum na nagsasabi sa atin kung sino at ano tayo, isinasalaksak sa atin ang mga tamang gawi ayon sa kanilang pagtingin.
Ang resulta tayo ay isang mabuting “Filipino”, naghahanap ng iboboto na mag-iisip para sa atin, mga leader na gagawa ng mga batas at kautusan para ating buhay. Malaki ang mga buwis, walang trabaho, mababa ang suweldo, walang benepisyo, mataas ang monopolyadong kuryente, pagbubukas ng palengke, luging agrikultura at pangisdaan, digmaan, kahirapan at kagutuman at iba pa.
Kung sino man ang may nais ng mga nito, tiyak siya ay may direktang benepisyo o dili kaya ay sira-ulo.
Sa kabila ng ating kamangmangan, siguradong ang mga sasabihin ni Pinoy ay iyong nahuhulaan, dumami ang trabaho, may paglago ng kabuhayan na ilang porsyento, may mga naakit na banyagang mamumuhunan, may mga napagkasuduang sa usaping pangkapayapaan etc. etc.. Ang lahat ng mga ito ay sinabi na rin ng mga naunang pangulo kabilang ang ina niya. Ang maipapayo ng iyong lingkod, HUWAG NG PANSININ ang MGA DYASKENG PULITIKO. Ang iyong pang-araw-araw na buhay ay mabisang adbokasiya upang mamuhay ng ayon sa kalikasan; hindi mo na kailangan ng partido o anumang otoriadad upang isabuhay ang maka-luntiang proseso. Ang mga instalasyong inyong nakikita sa ngayon ay manipestasyon ng mga taong kumikilos para sa kalikasan ayon sa kanilang kakayanan na nakabatay sa pagkukusa at pakikipag-tulungan sa iba’t-ibang mga komuidad, indibidwal at grupo Ang direktang mensahe ay simulan natin sa ating mga tahanan at pamayanan ang maka-kalikasang pamumuhay na minana natin sa ating mga ninuno

0 comments:

Post a Comment