Palagay ko sa takbo ng panahon at makabagong teknolohiya, ang paglalaro sa smartphone at tablet ay para lamang sa mga taong maraming sobrang oras. Salamin ito ng ng nagbabagong populasyon o demographics at pagpapahalaga ng mundo. Sa huling 2 taon kung kalian nagsimula pumailanlang ang android at ios, hindi naman siguro sobrang nagbago ang bilang ng mga tao sa mundo. Ang nagbago lamang ay lumaki ang bilang ng mga taong nasa panggitnang uri o bumaba ang presyo ng mga smartphone at tablet. Habang bumababa ang presyo ng mga gadget at makabagong kagamitan sa komunikasyon ay lalong nagiging uso ang mga larong tulad ng candy crush. Sa kontemporaryong henerasyon kung saan ang smartphone ay lalong nakakapagpapabobo, hindi katakataka, marami ang nahuhumaling sa mga larong hindi kinakailangan pagisipan pa. mula sa panahon ng no-brainer na mga pelikula o ibang porma ng kultura, ang pagpapahalaga naman ay sumasadsad. Umaabot ito sa punto, kahit walang halaga ay siyang binibigyan ng pinakamataas na halaga. Hindi makakaila ang mga pakinabang at kaginhawaang dulot ng makabagong teknolohiya hatid sa komunikasyon. Ang epekto nito sa kalakhan ay kawalan ng mga aktwal na relasyon at pakikipag-ugnayan ng mga tao sa kanyang kapwa. Sa pagkaka-imbento pa lamang ng mga Walkman ng 1980s, simula na ito ng pagkakanyakanya. Lalo na sa panahon ng ipod at iba pang digital na music device. Mabuti pa ang panahon ng radyo kung saan ang mga tagapakinig ay mayroon pang common o shared na karanasan. Ang panahon ngayon ay wala nang pagpapahalaga sa pagbabahagi ng karanasan sa isa’t isa. O nagbago nga lang ang porma ng pagbabahagi sa publiko, ang mga status update at tweet ay nagging kapalit ng direktang pakikipag-ugnayan sa mundo. Napalitan ng virtual ang aktwal, ang potensyal na karanasan ay nanatili na lamang potensyal. Hindi namamalayan ng tao sa virtual na mundo ang oras. Walang oras, o nagiging relatibo ito sa pananaw ng mga naglalaro o gamer. Kaya hindi maaaring magtagal o bumilis ang oras sa perspektiba ng manlalaro. Naranasan ko nang naunang mag-uso ang mga personal computer nang dekada 90, nahilig rin ako sa mga online na laro. Dahil hindi pa kami online sa probinsya, hanggang pirated na laro lang hindi kinakailangan kumonekta sa net ang laro ko. Kung kailangan kong gumamit ng internet ay pupunta lamang ako sa mga pampublikong netshop. Kasama ko pa ang mga kaeskwela ko. Hindi nagtagal ay gumraduate na ako. Sa college, hindi ko rin kailangan maglaro at gumamit ng net. Tsaka ko na lamang nadiskubre uli ang internet nang makakuha ako ng fellowship sa isang pribadong eskwelahan. Hindi maaaring tumakas, nagkaroon ako ng internet access pero hindi sa paglalaro. Ngayon, kahit iniiwasan ko ang gumamit ng smartphone, wala na rin magagawa at kinakailangan na mismo sa kurso. Nagbabago ang panahon, gayundin ang gamit ng teknolohiya. Ani nga ni Paul Virilio, mayroong integral na sakuna ang hatid ng teknolohiya. At sa kontemporaryong panahon, imbis na matuto sa internet ay nawawala ang diskriminasyon ng mga gumagamit kung ano ang mahalaga at hindi.
0 comments:
Post a Comment