END:CIV

Join The Network

Search

Wednesday, August 15, 2012

Tungkol sa: Apela para sa mga biktima ng matinding pagbaha dulot ng habagat

9 Agosto 2012

Para kay _____________


Kami po mula sa Onsite Youth Movement (OYM) sa pakikipagtulungan ng Local Autonomous Network (LAN) ay umaapela sa inyo para sa tulong at suporta ng komunidad ng Onsite sa Purok 4, Barangay Buli, syudad ng Muntinlupa. Ang mga populasyon sa aming lugar ay karaniwang nagmumula sa pamilya ng mahihirap kaya’t kritikal ang suporta upang muling makabangon mula sa epekto ng kalamidad.

Sa kabila ng paghupa ng matinding pag-ulan dulot ng habagat ay patuloy pa ring tumataas ang tubig sa aming komunidad; sa ngayon ay lampas sa bewang ang tubig sa aming daanan at sa mga eskinita, gayundin, ang ibabang bahagi ng higit isandaang mga kabahayan ay lubog sa tubig. Ang lokal at pambansang pamahalaan ay walang signipikanteng tulong na naipapaabot sa aming komunidad maliban sa mga pira-pirasong relief na karaniwang nalalakipan pa ng mga larawan at pangalan ng mga pulitiko.

Alam po nating lahat na sa kabila ng nagbabagong klima o climate change ay “predictable” pa rin naman ang panahon. Ito ang ikatlong pagkakataon na nakaranas ng matinding baha ang aming komunidad (unang bahagi ng 1990’s, 2010 – Ondoy at ngayon 2012 nga) ang mga pagbahang ito ay naganap nitong ikatlo hangangang ikaapat na bahagi ng mga nabanggit na taon. Samakatuwid, alam o may ideya na dapat ang mga namumuno sa lokal man o sa pambansa upang tugunan ang ganitong klase ng kalamidad. Subalit sa kabila ng mga karanasang ito, wala pa ring sapat na kahandaan ang mga nasa posisyon/kapangyarihan upang protektahan ang mga marhinalisadong komunidad katulad ng Onsite.
Isang nakakagalak na tanawin ang pagtutulungan ng mga taga-Onsite sa pagtutulungan at pagdadamayan upang kahit paano’y maibsan ang aming napakahirap na sitwasyon.

Ang aming komunidad ay nangangailangan ng suporta kagaya ng mga kahoy para sa paggawa ng mga improvise na tulay para maipagpatuloy ang hanap-buhay, mag-aaral at maipagpatuloy ang mga munting kabuhayan. Gayundin, kailangan ng mga ayudang pagkain, gamot at mga damit.
Alam po naming marami pang komunidad na higit pa ang sitwasyon kumpara sa amin, at kami’y dumudulog sa kapangyarihan ng ating mga bathala upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon at aktibong partisipasyon ang mga tao para maitatag ang mga komunidad na ligtas sa mga sakuna.


Sumasainyo,
Juan Carlo Pilar
Tagapangulo
Onsite Youth Movement


Bas Umali
Volunteer
Local Autonomous Network

0 comments:

Post a Comment